Makukumpleto na bukas ang pagbabalik ng mga internaly displaced persons o IDP sa siyam na mga bgy sa Marawi.
Sa press conference dito sa Malacanang, sinabi ni OCD Assistant Secretary Kristoffer James Purisima na mayroon na ring tubig at kuryente sa siyam na babalikang bgy ng mga naapektuhan ng giyera sa lungsod. Hindi pa naman mabatid sa ngayon ni Purisima kung ilan ang kabuuang idps ang makakabalik na bukas sa kani-kanilang mga lugar. Kailangan kasi matiyak na ang babalik ay mga lehitimong residente kaya't kailangang magpatupad ng sistema gaya halimbawa ng pag-iisyu ng kailangang identification cards na pangungunahan ng mga nasa LGU. Pero batay sa tala, aabot sa 6,462 ang nakarehistrong bilang ng mga residente mula sa siyam na barangay na kinabibilangan ng Brgy. Malutlut, Tampilong, Panggao Saduc, Datu Saber, Green, Morlataw Luksa Datu, Marawi Poblacion, East basak at Matampay. (Alvin Baltazar) #RadyoPilipinas738 #RP1 #radyopilipinas1
0 Comments
Nasa Justice Department na ang responsibilidad kung paano haharapin ang posibilidad na hingin ng Indonesian government ang pag e-extradite sa nasakoteng Indonesian Daesh Member na nahuli ng mga otoridad sa Marawi City kamakailan.
Sa pulong balitaan sa Malacañang, inihayag ni AFP Spokesman, Maj. Gen. Restituto Padilla na hindi malayong nahaharap din sa malalaking asunto ang suspek na si Muhammad Ilham Syah Putra. Halimbawa na rito ang pambobomba ng suspek sa Indonesia kaya’t posibleng isa ito sa magiging dahilan kaya gustong ma-extradite si Putra. Gayunpaman, iginiit ni Padilla na dahil nahuli natin ito rito sa Pilipinas, at may kaso ring kinakaharap, mahalagang dito ito litisin at papanagutin. Samantala, tiniyak naman ni Padilla na maayos nang nagpapatupad ng security measures ang PNP sa Kampo Crame kaya hindi dapat mabahala sa pangambang makatakas ito roon. (Alvin Baltazar) #RadyoPilipinas738 #RP1 #radyopilipinas1 Sinimulan na ng Department of Education ang pagsasagawa ng mga test sa mga public school teachers, para matiyak ang kanilang kahandaan sa pag-adopt ng bagong curriculum sa ilalim ng K-to-12 program.
Sa bisa ng DepEd Memorandum number 163 series of 2017, sumasailalim sa test of English proficiency for teachers o TEPT at Process skills test o PST sa Science at Math ang lahat ng grade 9 at 10 public school teachers, tuwing Sabado at Linggo ng Oktubre hanggang Disyembre 2017. Hindi naman na kailangan pang kumuha ng mga exam na ito ang mga gurong nagtuturo ngayon sa grades 9 at 10, pero nakakuha na ng TEPT para sa Grades 7 at 8. Magsisilbing Chief Examiner para sa TEPT-PST ang mga Division Testing Coordinators, habang ang mga Education Program Supervisors at Secondary School Principals naman ang magsisilbing mga room examiner. Una nang sinabi ng DepEd, na ang magiging resulta ng TEPT at PST ang magiging basehan sa kung anong klase ng training ang ipapatupad ng ahensya, para maihanda ang mga guro sa bagong kurikulum. (Nimfa Asuncion) #RadyoPilipinas738 #RP1 #radyopilipinas1 Siniguro ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia na ginagawa ng pamahalaan ang lahat para makapagpatupad ng reporma nang mas mapaganda ang business climate sa Pilipinas.
Isa nga sa mga tinutulak ng NEDA, ang tinatawag na “single-window approach” kapalit ng mga single-stop shop sa pagpo-proseso ng mga business permit at business application. Paliwanag ni Pernia, sa ilalim ng single-window approach, sa iisang government representative o office nalang kakailanganing magpasa ng mga negosyo ng kanilang mga dokumento at ito na ang bahalang magproseso dito. Ito ang isa sa mga naiisip na tugon ng NEDA, matapos lumabas ang report ng World Bank na bumaba sa 113th place ang Pilipinas, mula sa dating 99th place ng ease of doing business kung saan lumalabas na pinakamahina ang bansa sa pagsisimula ng negosyo, ang pagpapatupad ng mga kontrata at ang pagpo-protekta sa mga minority investor. (Nimfa Asuncion) #RadyoPilipinas738 #RP1 #radyopilipinas1 |
AuthorWrite something about yourself. No need to be fancy, just an overview. ArchivesCategories |